Kibr

بسم الله الرحمن الرحيم

Marami sa atin sa panahon ngayon ang napakadaling magbitaw ng mga salitang hindi lamang masakit sa pandinig, lalo’t higit ay masakit sa damdamin. At isa sa pinakamadaling bitawan na salita ay ang taguri na ‘MAYABANG’. Magsuot ka ng designer clothes, o kahit simpleng magandang damit lamang, tatawagin kang ‘MAYABANG’. Kumain ka sa maayos na restaurant at post mo dito sa FB yung lugar, sasabihan kang ‘MAYABANG’. At ito ang higit na matindi, sumagot ka sa tanong, dahil may nagtatanong at alam mo ang sagot, tatawagin kang ‘MAYABANG’!

Ano nga ba ang ‘KAYABANGAN, PAGMAMATAAS, KIBR ?

–Ito ay ang PAGTANGGI SA KATOTOHANAN at ang PANGMAMALIIT SA TAO.

Kaya kung mayroon akong magarang damit, unawain naman natin na mayroong mga tao na may magarang damit o alahas ngunit sila ay mapagkumbaba at hindi mayabang. O kaya ay mayroong mga tao na may kaalaman, at ang pagbabahagi nila ng kaalamang ito sa iba ay hindi isang kayabangan. Mag-ingat rin tayo sa pagtaguri sa isang tao na siya ay mayabang dahil lamang mayroon siyang pag-aari na maganda o mahal, o di kaya ay mayroon siyang nalalaman na hindi natin nalalaman. Ito ay hindi isang pruweba na siya ay isa na ngang mayabang.

Kayabangan ay pagtanggi sa katotohanan at pagmamaliit sa tao. Kung tatanggi siya sa katotohanan, kung gayon ay isa siyang mayabang. Kung minaliit niya ang ibang tao, halimbawa ay sabihin niya na ‘wala silang nalalaman katulad ng aking nalalaman’. ‘Mahirap lang sila at wala silang damit na katulad ng sa akin, ako lang ang merong ganito’. Kapag ganito magsalita ang isang tao, siya ay isang mayabang.

Kaya huwag tayong agad-agad huhusga na ang isang tao ay mayabang dahil lamang nagtataglay siya ng magagandang bagay. Sa halip, hanapan natin siya ng dahilan lalo na kung mayroon naman siyang nagawang kabutihan.

Halimbawa naman na nagyayabang siya ng kanyang magandang kotse. Kung totoo nga na nagyayabang siya , ito ba ay ginagawa niya upang malaman ng ibang tao ang mga biyaya na tinanggap niya mula kay Allaah (subhanahu wa ta’ala) at kapag may pumuri sa kanyang kotse ay sasabihin niya , ‘Ito ay nagmula sa mga Biyaya ni Allaah (subhanahu wa ta’ala), at ipapaalala niya sa kanila na ito ay hindi nagmula sa kahusayan ng kanyang sarili , kung gayon, ito ay hindi pagyayabang at ang taong ito ay hindi mayabang. Ang taong ito ay isang matuwid na tagasunod ni Allaah (subhanahu wa ta’ala). Kapag ang mga tao ay tumingin sa kanyang kotse at siya ay nagsimulang magyabang, kung ganon ay isa siyang mayabang. At ang ganitong pag-uugali ay binigyang babala na magkakaroon ng malaking parusa sa Kabilang Buhay. Hindi ito isang aksyon na mag-aalis sa kanya sa pananampalatayang Islaam , maliban na lamang kung ang kanyang kayabangan ay umabot na sa punto na hindi na niya sinasamba si Allaah o minamaliit niya ang gawaing pagsamba kay Allaah (subhanahu wa ta’ala) kahit pa siya ay nagsasagawa rin nito tulad ng salah.
Ang ganitong level ng kayabangan ang kayabangan na magiging sanhi upang hindi makapasok ng Paraiso ang isang tao..

Gayunpaman, ang pagmamataas ng isang nananampalataya kay Allaah (subhanahu wa ta’ala) kung tungkol ito sa Tawheed , ibig sabihin ay minamaliit nila ang mga tao na hindi naniniwala sa Tawheed, kung gayon, ito ay patatawarin ni Allaah (subahanahu wa ta’ala) kung Kanyang nanaisin.. Si Allaah (subhanahu wa ta’ala) ang pipili kung parurusahan ang taong ito o hindi, ito ay Karapatan ni Allaah (subhanahu wa ta’ala) at walang may karapatan na tanungin si Allaah (subhanahu wa ta’ala) tungkol dito o kung paano niya ninanais na ituring ang Kanyang mga nilikha.

At si Allaah ang higit na nakakaalam.

*******

[Masaa’il al-Jaahiliyyah]
Moosa Richardson